--Ads--

Matagumpay na naisagawa ang first quarter meeting ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) ng Cauayan City kahapon, Marso 15 sa city hall bilang bahagi ng paghahanda sa mga proyektong ipatutupad ng tanggapan ng disaster management sa lungsod.

Ayon kay Ginoong Ronald Viloria, hepe ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), sinabi nitong nakalaan na ang pondo para sa pagbili ng karagdagang kagamitan na gagamitin sa rescue operations at iba pang aktibidad ng kanilang tanggapan.

Aniya, kabilang sa mga planong bilhin ng kanilang opisina ang mga drone na magagamit sa pagsasagawa ng rescue mission lalo na tuwing may kalamidad.

Ipinaliwanag ng opisyal na malaking tulong ang naturang kagamitan sa pagtukoy ng aktwal na sitwasyon sa mga apektadong lugar, partikular kapag may pagbaha. Aniya, may mga pagkakataon noon na nakakatanggap sila ng ulat mula sa mga residente tungkol sa mga taong nangangailangan ng tulong, kaya mahalaga ang pagkakaroon ng drone upang agad na ma-verify ang sitwasyon bago magpadala ng rescue team.

--Ads--

Bukod dito, inihahanda na rin ng kanilang tanggapan ang pagdating ng dalawang bagong modernized na ambulansya na magagamit sa mga emergency response.

Ayon kay Viloria, ang mga nasabing ambulansya ay may kakayahang magsakay ng mga rescuer sa loob habang isinasagawa ang rescue operation, na inaasahang makatutulong upang mas maging mabilis at maayos ang pagtugon sa mga insidente.

Bahagi rin umano ito ng layunin ng pamahalaang lungsod na higit pang gawing makabago at mas episyente ang disaster response capability ng Cauayan City.