--Ads--

Ramdam na ng sektor ng pangisdaan ang epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Efrain Marquez, isang fish dealer sa lungsod ng Santiago, sinabi niya na malaki ang ibinaba ng kanilang kinikita dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo. Aniya, ang halagang dati ay sapat na para sa P500 na gasolina, ngayon ay nababawasan na dahil kaya na lamang nitong bumili ng higit apat na litro.

Dahil sa mahal na presyo ng krudo, napipilitan din silang itaas ng kaunti ang presyo ng isda na kanilang ibinebenta upang masakop ang mas mataas na gastusin. Gayunpaman, sinisikap nilang panatilihing abot-kaya ang presyo para sa mga mamimili.

Upang makaraos sa sitwasyon, ilan sa kanila ang nag-adjust ng paraan ng operasyon. Pinagsasama-sama nila ang paghahatid ng isda upang mabawasan ang gastos sa transportasyon, binabawasan ang dagdag na galaw at biyahe upang mas matipid sa gasolina, at inaayos ang schedule ng pangingisda upang mas maging epektibo at mas maraming produkto ang maihahatid sa merkado.

--Ads--

Ayon kay Marquez, kahit mahirap ang sitwasyon, patuloy nilang hinahanap ang balanse sa pagitan ng pagpapanatili ng negosyo at pagiging abot-kaya ng presyo ng isda para sa mga mamamayan.