CAUAYAN CITY – Nababahala na ang mga Fish Vendors sa pribadong pamilihan ng Cauayan City dahil sa mababang supply ng isda ngayong buwan ng Enero.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Oliver Daguro, Fish Vendor, sinabi niya na simula noong January 5 ay nagsimula nang bumaba ang supply ng isda.
Aniya, kaunti na lamang ang nakukuha nilang isda mula sa kanilang supplier sa Maynila dahil nagkukulang din umano ng suplay doon.
Hirap na rin ang kanilang supplier na maghanap ng mapagkukunan ng isdang isusuplay sa lalawigan ng Isabela.
Karamihan sa mga isdang itinitinda nila ay mula sa kalakhang Maynila kaya nangangamba sila sa pagbaba ng suplay nito.
Sa ngayon ay pinagti-tiyagaan na lamang nila ang mga ordinaryong isda gaya ng bangus at tilapia.
Ayon kay Daguro, matumal na rin ang kanilang bentahan dahil karamihan sa mga binibili ng mga tao ay mga seafoods.
Ang bangus, galungong at pusit ay mabibili ng P200 kada kilo, ang presyo ng tahong ay naglalaro sa P120 hanggang P130 kada kilo at P150 naman kada kilo ang Salmon Head.