--Ads--

CAUAYAN CITY-Ipinahahanap na ng pulisya ang flagman o gwardya na nagbantay sa Cabagan-Santa Maria Bridge kagabi matapos niyang pahintulutan na dumaan ang heavy vehicle sa tulay.

Matatandaan na ang nasabing tulay ay gumuho sa oras na 8:30 kagabi kung saan 4 na sasakyan ang sangkot sa insidente.

Ang mga sangkot na sasakyan ay ang Shackman Dumptruck na may lulan na dalawang indibidwal; Toyota Innova, na minamaneho ni Ronel Catindoy, lalaki, 42 anyos, NUP ng Divilacan PS, sakay nito si Dinkie Catindoy, babae, 41 anyos, NUP ng Santa Maria PS at isang 8 years old na bata, na residente ng Calamagui , Santa Maria, Isabela.

Sangkot pa ang isang Nissan Livina na minamaneho ni Jhonny Albano, 40-anyos, businessman at si Bryan Dejan, 31-anyos na kapwa residente ng Barangay Catabayungan , Cabagan, Isabela; at isang XRM 125 na minamaneho ng isang menor de edad.

--Ads--

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Merwin Villanueva, Chief of Police ng Cabagan Police Station, sinabi niya na matapos ang insidente ay dinala sa pagamutan ang anim na sugatan habang ang driver at pahinante ng dumptruck ay tumakas.

Alas 7 ng umaga ay boluntaryo naman aniyang nagtungo sa himpilan ng pulisya ang driver at pahinante ng dumptruck upang isalaysay ang naturang pangyayari

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ay nagtanong ang driver ng dumptruck kung pwede itong dumaan sa tulay dahil mayroon pa itong sinusundan na isa pang dumptruck.

Pinayagan naman umano ng flagman na dumaan sa tulay ang mga malalaking sasakyan na isa sa nakikitang dahilan kung bakit bumagsak ang tulay.

Ayon pa kay PMaj. Villanueva, biktima din ang driver at pahinante ng dumptruck kaya walang kasong kahaharapin ang mga ito.

Tanging pananagutin lamang aniya sa pangyayari ay ang flagman na nagbabantay sa lugar at bibigyan ito ng kaukulang kaparusahan na naaayon sa kanyang hindi pagsunod sa regulasyon sa tulay.

Sa ngayon ay hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing indibidwal na kasalukuyang ipinahahanap sa awtoridad.

Tinututukan pa rin ng mga kapulisan ang pagbabantay sa gumuhong tulay at patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa awtoridad upang tanggalin ang mga behikulong sangkot sa insidente.

Samanatala, Inihayag ni DPWH OIC Regional Director Mathias Malenab na magsasagawa sila ng imbestigasyon kaugnay sa insidente.

Tiniyak din niya na nakaantabay sila sa anumang development kaugnay sa kalagayan ng mga nasugatan dahil sa pagbagsak ng tulay.

Sa ngayon plano nila na humingi ng tulong at mag request ng experts mula sa Bureau of Design and Bureau of Construction sa DPWH Central Office para sa karagdagang evaluation at assestment sa tulay.