CAUAYAN CITY – Patay ang isang flagman na umaalalay sa mga motorista sa national highway na nilalagyan ng aspalto sa Barucboc, Quezon, Isabela matapos siyang masagasaan ng pison.
Ang aksidente ay naganap kaninang umaga habang abala sa kanyang trabaho bilang flagman si Ernesto Leal, 53 anyos at residente ng Minagbag, Quezon, Isabela.
Ang operator ng pison na agad sumuko sa pulisya ay si Romel Natividad,39 anyos, may-asawa at residente ng Maraburab, Alcala, Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Quezon Police Station, iniwasan ni Leal ang isang sasakyan na pumasok sa intersection patungo sa Aurora, Quezon, Isabela at sa kanyang pag-atras ay nabangga at nasagasaan siya ng pison.
Nagtamo ng malubhang sugat si Leal at agad dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physican.