Halos isang taon lamang napakinabangan ng mga residente sa Tagaran, Cauayan City ang flood control project na natapos noong 2023 at nagkakahalaga ng mahigit ₱96 milyon.
Batay sa ulat sa Sumbong sa Pangulo website, ang nasabing proyekto ay isinagawa ng Ma Tesoro Construction/EGB Construction Corporation na may pondong ₱96,498,540.00 at natapos noong Hunyo 9, 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob, sinabi niyang ang flood control project ay may habang 270 metro at kumokonekta sa flood control ng Reina Mercedes.
Aniya, maayos naman ang pagkakagawa nito ngunit laking gulat nila nang abutin ito ng tubig-ilog noong huling malakas na bagyo. Dahil dito, nagkaroon ng pagbaba at mga bitak sa flood control structure.
Dagdag pa niya, hindi nila inakala na ang flood control na nagkakahalaga ng ₱96 milyon ay mahigit isang taon lamang mapapakinabangan. Naniniwala umano sila na ang pagkasira ay dulot ng matinding impak ng agos ng tubig mula sa ilog.
Samantala, iginiit naman ng foreman ng Dalcon Construction Company na hindi na kayang i-repair lamang ang nasirang flood control.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Foreman Judy Custodio, sinabi niya na dalawang linggo pa lamang silang nasa site upang kumpunihin ang nasirang flood control.
Ayon sa kanya, wala silang nakikitang anomalya sa orihinal na pagkakagawa nito dahil ginamitan naman ito ng 16mm na bakal, na mas matibay kumpara sa karaniwang 12mm standard size.
Dagdag pa niya, makapal din ang ginamit na semento na may sukat na 0.30 metro ang kapal, kaya iginiit niyang hindi sa kalidad ng pagkakagawa nagkaroon ng problema kundi dahil sa critical stage ng lupa sa lugar.
Dahil dito, kinakailangang tanggalin ang dating flood control at palitan ito ng panibago upang mas patibayin, lalo’t nasira na rin umano ang beam ng flood control structure.
Sa ngayon ay hindi pa matiyak ng construction firm kung kailan posibleng matapos ang proyekto dahil mahihirapan umano silang tanggalin ang simento at bakal tsaka ito babaguhin.











