CAUAYAN CITY- Naniniwala ang ilang residente sa Pissay, Baui, at Kalusutan kilala bilang PISBAKAL Region ng Angadanan, Isabela na maayos ang pagkakagawa ng flood control project sa kanilang lugar na nagkakahalaga ng mahigit ₱77 milyon.
Batay sa datos mula sa Sumbong sa Pangulo website, isinagawa ang proyekto ng Infinity Construction and Development Corporation sa halagang ₱77,163,172 at natapos noong Marso 25, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Rafael Matias ng Baui, tinatayang nasa 400 metro ang haba ng flood control na sumasaklaw sa Baui at Kalusutan. Aniya, maganda ang pagkakagawa ng proyekto at tiyak nilang maraming bakal ang ginamit, dahil binantayan nila ito mula simula hanggang matapos.
Gayunman, binigyang-diin ni Matias ang isang suliranin, iniwan umano ng contractor ang ibabang bahagi ng proyekto na hindi naayos, dahilan upang magkaroon ng butas kung saan naiipon ang tubig.
Aniya, delikado ito lalo na sa mga bata, kaya’t nananawagan siyang ma-backfill ito sa lalong madaling panahon.











