--Ads--

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 100 na nagtatakda ng floor price o pinakamababang presyo ng pagbili ng palay, ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Sabado.

Layunin ng bagong kautusan na matiyak na makatatanggap ng makatarungang kita ang mga magsasaka ng palay, habang pinapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas para sa mga mamimili.

Batay sa EO 100, inatasan ang Department of Agriculture (DA) na tukuyin at regular na i-adjust ang floor price para sa palay, batay sa gastos sa produksyon, kalagayan ng merkado, at kapakanan ng mga magsasaka, ngunit dapat ding isaalang-alang ang kayang presyo ng mga konsyumer.

Sa pamamagitan ng kautusang ito, inaasahang magkakaroon ng mas malinaw na mekanismo upang maiwasan ang labis na pagbaba ng presyo ng palay tuwing panahon ng anihan na isang suliraning matagal nang kinakaharap ng sektor ng agrikultura.

--Ads--

Sinabi ng Malacañang na ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng administrasyon para sa food security at rural development, kasabay ng pagpapatupad ng mga proyekto upang mapababa ang production cost sa sektor ng pagsasaka.

Ayon sa mga opisyal ng Department of Agriculture, magsasagawa ng konsultasyon sa mga farmers’ groups, traders, at millers upang matukoy ang angkop na floor price at matiyak na patas ang benepisyong makukuha ng lahat ng sektor sa industriya ng bigas.

Dagdag pa rito, tiniyak ng Malacañang na mahigpit na babantayan ng pamahalaan ang pagpapatupad ng EO 100 upang matiyak na mapoprotektahan ang mga lokal na magsasaka laban sa mapagsamantalang kalakalan at sobrang baba ng presyo ng kanilang ani.