--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakatutok ngayon ang mga awtoridad sa mga mamamayang inilikas sa mga bayan ng Cagayan dahil sa banta ng bagyong Marce.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Rueli Rapsing, sinabi niya na dahil Cagayan ang tinutumbok ng bagyo ay agad na silang nagsagawa ng assessment sa mga evacuation centers at mga stockpile ng family food packs na ibibigay sa mga apektadong residente.

Aniya forced evacuation na ang isinasagawa ng bawat LGU dahil sa banta ng bagyo.

Ayon sa Incident Management Team o IMT ng Cagayan, aabot sa 533 na pamilya na binubuo ng 1,166 na indibiduwal ang inilikas mula sa bayan ng Gonzaga.

--Ads--

Iniulat naman ng Lokal na Pamahalaan ng Baggao na umabot na sa 1,021 pamilya na kinabibilangan ng 2,633 indibiduwal ang naitalang evacuees sa kanilang bayan.

Ayon kay Rapsing, 70% ng mga bayan ng Cagayan ay prone sa mga pagbaha, landslide at may mga prone din sa storm surge kaya kailangang matiyak na ligtas ang mga residente.

Sa ngayon batay sa kanilang assessment, sapat pa naman ang stockpile ng LGUs dahil una nang nakapagrequest ng augmentation support sa DSWD ang lalawigan bilang paghahanda sa bagyo.

Aabot naman sa 50 modular tents ang agad na ipinadala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at OCD Region 2 sa bahagi ng Gonzaga upang may maayos na masilungan at matulugan ang mga residenteng inilikas.

Patuloy naman ang kanilang pagbabantay sa mga flood prone areas dahil maaring maulit ang nangyari sa pananalasa ng bagyong Quiel noong 2019 kung saan binaha ang buong District 2 ng Cagayan dahil sa pag-apaw ng Abulog-Pamplona river basin.

Tinututukan din nila ang Cagayan River maging ang mga bayang may mga landslide prone areas tulad ng Sta. Praxedes at Claveria.

Muli namang pinaalalalahan ng PDRRMO Cagayan ang mga residente sa Coastal Municipalities pangunahin na ng Gonzaga, na lumikas ng maaga dahil sa inaasahang magtagal ang bagyong Marce at may banta ng storm surge.