--Ads--

Nagsampa ng kasong plunder at iba pang reklamong kriminal si dating Senador Antonio Trillanes IV laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go kaugnay umano ng halos ₱7 bilyong halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno na napunta umano sa mga kumpanyang pag-aari ng pamilya ni Go.

Isinampa ni Trillanes ang reklamo laban sa dalawa gayundin sa dalawang kamag-anak ni Go, sa Office of the Ombudsman nitong Martes ng umaga.

Batay sa isinampang reklamo posibleng lumabag sina Duterte at Go sa Plunder Law 0 Republic Act 7080, Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act 3019, at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees o Republic Act 6713.

Sa kanyang 35-pahinang reklamo, inakusahan ni Trillanes ang dalawa ng pag-award ng bilyon-bilyong pisong kontrata sa dalawang kumpanya — ang CLTG Builders, na pag-aari ng ama ni Go, at Alfrego Builders, na pag-aari naman ng kanyang kapatid.

--Ads--

Ayon kay Trillanes, umabot sa ₱6.95 bilyon ang kabuuang halaga ng mga proyekto mula 2016 hanggang sa kasalukuyan, na binubuo ng mahigit 200 proyekto at karamihan sa mga ito ay sa Davao Region.

Dagdag pa ni dating senador na nagsimula umano ang ganitong gawain noong panahon pa ni Duterte bilang alkalde ng Davao City hanggang sa kanyang pagkapangulo.

Tinukoy rin ni Trillanes na mahigit ₱816 milyon sa mga kontratang ito ay nakuha sa pamamagitan ng joint venture ng CLTG Builders at St. Gerrard Construction, na pag-aari ng pamilya Discaya na sangkot din umano sa mga isyung may kinalaman sa anomalya sa mga flood-control projects.

Batay sa datos ng Commission on Audit o COA na binanggit sa reklamo, ang CLTG Builders ay nakakuha ng 125 proyekto mula sa Department of Public Works and Highways o DPWH sa Davao Region mula Marso 2007 hanggang Mayo 2018.

Noong 2017, sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ni Duterte, nakakuha umano ang CLTG ng 27 proyekto na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱3.2 bilyon.

Samantala, ang Alfrego Builders & Supply naman ay nakakuha ng 59 projects sa Davao Region mula buwan ng Hunyo 2007 hanggang Hulyo 2018, na may kabuuang halagang ₱1.74 bilyon, kabilang ang 23 proyekto noong 2018 na nagkakahalaga naman ng ₱1.3 bilyon.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na nagsampa ng plunder case si Trillanes laban kina Duterte at Go. 


Noong Hulyo 2024, nagsumite na rin siya ng katulad na reklamo sa Department of Justice, na kalaunan ay inendorso ni dating Prosecutor General Benedicto Malcontento sa Office of the Ombudsman sa parehong buwan.