Hinahatulang makulong ng limang taon si dating Pangulo ng South Korea Yoon Suk Yeol matapos mapatunayang guilty sa ilang kaso, kabilang ang pagtangkang hadlangan ang kanyang pag-aresto kasunod ng nabigong deklarasyon ng martial law noong Disyembre 2024.
Ipinataw ang sentensiya ng Seoul Central District Court nitong Biyernes sa isa sa pinaka-sensitibong paglilitis sa kasaysayan ng bansa.
Ayon sa korte, napatunayang nilabag ni Yoon ang karapatan ng mga imbestigador, tumakas sa kanyang pag-aresto noong Enero 2025, at palsipikado ang mga dokumento kaugnay ng deklarasyon ng martial law. Giit ni Presiding Judge Baek Dee-hyun, direktang nilabag ni Yoon ang Konstitusyon sa pamamagitan ng hindi pag-abiso sa lahat ng miyembro ng gabinete bago magdeklara ng martial law.
Dagdag pa, ginamit ni Yoon ang Presidential Security Service upang pigilan ang kanyang pag-aresto, at inabuso ang kapangyarihan para sa pansariling interes.
Si Yoon ang kauna-unahang nakaupong pangulo sa kasaysayan ng South Korea na naaresto at nasampahan ng kaso. Ang kanyang administrasyon ay maikli ngunit puno ng kontrobersiya, lalo na nang biglaang magdeklara ng martial law na nagdulot ng pagkabigla sa bansa at sa buong mundo.
Bagama’t naabsuwelto na sa ilang kaso, haharap pa si Yoon sa iba pang paglilitis, kabilang ang kasong insurrection kung saan maaari siyang mahatulan ng death penalty.









