Nahaharap ngayon sa political paralysis ang bansang France dahil sa resulta ng ginanap na halalan.
Batay sa resulta ng eleksyon nanalo ang left-wing alliance ng 182 seats sa National Assembly habang ang grupo ni French Pres. Emmanual Macron na centrist alliance ay nanalo 168 seats at ang Marine Le Pen’s far-right party at allies nito ay nakakuha naman ng 143 seats.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Dick Villanueva, nagkakaroon ngayon ng tensyon sa mga partido sa pagbuo ng bagong pamahalaan pangunahin na sa prime ministerial position.
Aniya tatlong malalaking politial blocs ang naggigirian ngayon at wala sa mga ito ang nakakuha ng mayorya na hindi bababa sa 289 seats.
Ang National Assembly ang pinakamahalaga sa dalawang kapulungan ng parliament ng France at ito ang may huling desisyon sa proseso ng paggawa ng batas sa Senado, na pinangungunahan ng mga conservatives.
Ang mga resulta ng halalan ay nangangahulugan na ang mga centrist allies ni Macron ay hindi tiyak na makakapagpatupad ng kanilang mga proposals dahil hindi nila nakuha ang majority.
Ayon naman kay Jean-Luc Melenchon, leader ng hard-left na France Unbowed handa ang leftist alliance na mamuno sa bansa ngunit walang tiyansa na siya ang magiging minister dahil una nang nagpahayag si Macron na ayaw nitong makasama ito sa trabaho.
Sakaling magpatuloy ang tensyon, inihayag ng economy ministry ng France na asahan na ang immediate financial crisis pagkatapos ng halalan.