
CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga miyembro ng Cauayan City Police Station ang isang fruit vendor sa isinagawang illegal drug buy-bust operation sa barangay Cabaruan, Cauayan City.
Ang dinakip ay si Elmer Domingo, 34 anyos at residente ng barangay Sta Luciana, Cauayan City.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na patuloy sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ang suspek.
Dahil dito ay nagsagawa ang drug buy-bust operation ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station na nagbunga ng pagkadakip ng suspek.
Matagumpay na nakabili ng isang pakete ng hinihinalang shabu ang pulis na nagpanggap na poseur/buyer kapalit ng 1,000 na buy-bust money.
Modus umano ni Domingo na magdeliver ng mga prutas kasabay ng pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Nasamsam sa kanya ang isang lighter, motorsiklo at cellphone na ginamit sa transaksyon.
Si Domingo ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










