Tiniyak ni Energy Secretary Sharon Garin na may sapat na suplay ng petrolyo ang bansa para sa 45 araw, batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kompanya ng langis.
Aniya, ang kasalukuyang domestic supply ng gasolina ay inaasahang tatagal ng hanggang 53.14 na araw, habang ang diesel ay hanggang 45.82 na araw.
Ang kerosine naman ay may sapat na supply para sa 97.93 araw; jet fuel para sa 38.62 araw; fuel oil para sa 61.49 araw; at liquefied petroleum gas (LPG) para sa 23.51 araw.
Sinabi rin ni Garin na patuloy ang pagdating ng mga dagdag na suplay, dahil nakipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga supplier-country gaya ng South Korea, Japan, at China.
Ayon sa kanya, nakakontrata na ang Philippine National Oil Company (PNOC) ng hanggang 400 bariles at mag-oorder pa ang gobyerno ng hanggang 600 bariles ngayong linggo na nagkakahalaga ng hanggang P10 bilyon mula sa iba’t ibang sources bilang buffer para sa hanggang isang linggong pangangailangan.
Hiniling rin ni Garin sa publiko na huwag mag-hoarding at umiwas sa profiteering upang hindi maapektuhan ang pambansang suplay ng langis.











