--Ads--

Ipinag-utos na ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. ang full-scale manhunt laban sa mga salarin sa pamamaril sa isang dating beauty queen sa Isabela at sa director ng isang electric cooperative sa Oriental Mindoro.

Inatasan ni Nartatez ang mga Regional Director ng PRO2 at PRO4B na masusing imbestigahan ang dalawang magkahiwalay na kaso upang matukoy ang motibo at matunton ang mga responsable sa naturang mga krimen.

Iniatas din niya sa lahat ng police commanders na paigtingin ang pagpapatupad ng mga hakbang sa crime prevention, tulad ng pagsasagawa ng checkpoints, pagpapalakas ng police visibility, at strategic deployment ng mga tauhan.

Nabatid na pinagbabaril ang dating Ms. Philippines-Earth runner-up na si Lullete Jane Ramilo-Dela Cruz, na kasalukuyang isang guro, habang nasa loob ng kanyang sasakyan sa Barangay Cabaritan, San Manuel.

--Ads--

Samantala, sa Oriental Mindoro, pinagbabaril din si Antonio Mendeja, director ng Oriental Mindoro Electric Cooperative, nang siya ay pansamantalang huminto upang suriin ang kanyang sasakyan.

Kaugnay nito, hinimok ni Nartatez ang sinumang may impormasyon hinggil sa dalawang insidente na makipagtulungan at magbigay ng detalye upang makatulong sa patuloy na imbestigasyon ng pulisya.