Pinaigting na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang pagbabantay sa Tropical Storm Fung-Wong, matapos itong lumakas at maging isang severe tropical storm habang patuloy na kumikilos pahilagang-kanluran sa karagatang Pasipiko.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Fung-Wong sa layong 1,500 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao o 1,470 kilometro silangan ng Eastern Visayas, sa labas pa ng Philippine Area of Responsibility o PAR.
Taglay nito ang hanging may lakas na 95 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugsong umaabot sa 115 kilometro kada oras, habang kumikilos sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Inaasahang papasok ang bagyo sa PAR pagsapit ng hatinggabi o madaling-araw ng Sabado, at kapag nakapasok na ay papangalanan itong “Uwan.”
Batay sa pagtaya ng PAGASA, maaaring mabilis na lumakas ang bagyo at maging ganap na typhoon sa loob ng 24 oras, at posibleng umabot sa kategoryang super typhoon pagsapit ng Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.
Tinatayang tatama ito sa kalupaan ng Northern o Central Luzon sa Lunes.
Posibleng itaas na ang Tropical Cyclone Wind Signals sa mga silangang bahagi ng Luzon at mga lalawigan ng Samar simula Biyernes ng hapon o Sabado ng umaga, na may Signal No. 5 bilang pinakamataas na alert level batay sa kasalukuyang forecast.
Babala ng PAGASA, magsisimula nang lumala ang panahon sa Linggo, at asahan ang matinding sama ng panahon na maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian sa Northern at Central Luzon sa araw ng Lunes at Martes.
Samantala, katamtaman hanggang maalon ang karagatan sa hilagang at silangang baybayin ng Luzon, pati na rin sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao simula Biyernes o Sabado.
Pagsapit naman ng Linggo, asahan na ang mga pag alon hanggang sa mapanganib na karagatan sa malaking bahagi ng Luzon at silangang Visayas.
Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko at mga disaster risk reduction offices na patuloy na magmonitor sa mga opisyal na ulat at maging handa sa posibleng matinding epekto ng sama ng panahon.











