CAUAYAN CITY – Isinara ang gate ng simbahan sa Lunsod ng Cauayan para sa mga sasakyang papasok habang kasalukuyan ang Misa De Gallo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division o POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na sa kanilang isinagawang pagpupulong sa mga kasapi ng Our Lady of Pilar Parish Church ay napagkasunduan na isasara ang gate upang makontrol ang mga pumapasok na sasakyan ng mga magsisimba.
Aniya sa unang araw ay hindi nila napigilan ang pagpasok ng mga sasakyan sa loob ng compound ng simbahan.
Sa pagsasagawa ng misa de gallo kaninang madaling araw ay ipinatupad na ang nasabing panuntunan at humingi ng paumanhin si POSD Chief Mallillin sa mga mamamayan dahil hindi na nila papayagan pang ipasok ang mga sasakyan sa compound ng simbahan.
Gagamitin na umano ang malawak na harapan ng simbahan para maaccomodate ang mga deboto.
Aniya naging maganda ang unang pagsasagawa ng Misa kahapon ng madaling araw dahil sumunod ang lahat sa mga health protocols ngunit nang biglang umambon ay wala nang nagawa ang mga otoridad nang nagtakbuhan na sa silong mga tao.
Pinaalalahanan na lamang nila ang mga mamamayan na huwag gumamit ng cellphone at makipagkwentuhan upang maiwasan ang virus.
Ayon kay POSD Chief Mallillin maaari namang pumarada ang mga church goers sa harapan ng City Hall dahil ito ay pinahintulutan na ng pamahalaang panlunsod.
Pinaalalahanan naman niya ang mga magsisimba na magdala ng kanilang payong upang hindi mabasa sakali mang umulan.