Isinagawa ang Gawad KAWAYAN 2025 ngayong araw, isang taunang selebrasyon bilang pagkilala at pasasalamat sa mahalagang ambag ng mga guro sa paghubog ng kinabukasan ng mga Cauayeños.
Dinaluhan ito ng 2,292 gurong Cauayeños mula sa iba’t ibang pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.
Pinangunahan ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ni City Mayor Caesar S. Dy, Jr., ang nasabing selebrasyon katuwang ang Schools Division Office (SDO) ng lungsod. Bilang bahagi ng selebrasyon, ginawaran ng pagkilala ang mga natatanging guro na nagpakita ng kahusayan, dedikasyon, at malasakit sa kanilang propesyon.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Dy ang malaking papel ng mga guro sa paghubog ng liderato sa lipunan.
Panauhing pandangal sa programa si Faustino “Bojie” G. Dy III, House Speaker at kinatawan ng Ika-6 na Distrito ng Lalawigan ng Isabela. Sa kanyang mensahe, binigyang-pugay niya ang sakripisyo at dedikasyon ng mga guro, at pinuri ang mga inisyatibo ng lungsod sa pagpapaunlad ng edukasyon sa rehiyon.
Tampok sa programa ang mga finalist mula sa iba’t ibang kategorya kabilang ang Most Outstanding Teachers, School Heads, Education Program Supervisors, at Best Performing Schools.
Kabilang sa mga kinilalang paaralan ay ang Baculod Elementary School, Cauayan North at South Central Schools, Nagrumbuan Elementary School, Cauayan City Science and Technology High School, at Pinoma National High School.
Ang Gawad KAWAYAN ay bahagi ng adbokasiya ng pamahalaang lungsod na kilalanin at pasiglahin ang sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng inspirasyon at suporta sa mga guro.
Sa pagtatapos ng programa, muling ipinahayag ni Mayor Dy ang pangakong tuloy-tuloy na suporta sa mga inisyatibang pang-edukasyon at pasasalamat sa hindi matatawarang serbisyo ng mga guro sa komunidad.











