CAUAYAN CITY – Hindi na palalawigin ng pamahalaang Lunsod ang General Community Quarantine (GCQ) bubble sa Lunsod ng Cauayan na magtatapos na mamayang hatinggabi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Bernard Dy, sinabi niya na matapos ang kanilang konsultasyon ay napagpasyahan na hindi na palalawigin ang GCQ bubble na una nang pinalawig noong nakaraang linggo kaya umabot ng 2 linggo.
Aniya, bagamat lifted na ang GCQ bubble mula bukas ay ipapatupad pa rin ang ilang restriction tulad ng number coding scheme sa mga sasakyan at curfew hours na mula alas nuebe ng gabi hanggang alas kuwatro ng madaling araw.
Bahagya ring magkakaroon ng pagluwag sa mga inilatag ng border checkpoint sa lunsod subalit ipapatupad pa rin ang mga protocol sa ilalim ng GCQ quarantine status.
Sa ilalim ng GCQ ay babalik na sa 50% ang mass gathering, papayagan na ring magbukas ang ilan pang mga bahay kalakal tulad ng mga barber shop at restaurant.
Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng GCQ bubble ay nakahinga ang health system ng lunsod subalit inaasahang makikita ang kabuuang epekto ng dalawang linggong GCQ bubble sa mga susunod na araw.
Bahagya ring naramdaman sa lunsod ang pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Mula sa 47 cases noong ika-6 ng Mayo ay bumaba ito sa 12 sa mga nakaraang araw.
Sa kabila ng pagbaba ng kaso ay nagkaroon naman ng malaking epekto ang GCQ bubble sa mga Micro Small and Medium Entreprises dahil sa kawalan ng kita.
Ayon kay Mayor Dy, una pa lamang ay naging mahigpit na ang lunsod sa pagpapataw ng parusa at pagsasampa ng kaso laban sa mga individual na lumalabag sa mga panuntunan public minimum health standards.
Iginiit niya na kung hindi sasampahan ng kaso o mapaparusahan ang mga lumalabag o mga walang disiplina ay hindi sila matututo.
Sa loob ng mahigit isang taon na pagpapatupad ng minimum health protocol ay wala nang rason ang publiko para hindi ito sundin.
Nilinaw din ni Mayor Bernard Dy na hindi pag-iwas sa pamamahagi ng ayuda ang pagpapatupad ng GCQ bubble.
Sa halip aniya na madamay ang lahat ng mga barangay sa Lunsod kabilang ang mga lugar na walang naitatalang kaso ay nagpasya siyang magpatupad ng GCQ bubble set up na tumutok sa poblacion areas na nagkaroon ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.











