Iginiit ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte na kailangang pumirma muna ng waiver si Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas Torre III bago matuloy ang boxing match nito laban kay Mayor Baste Duterte.
Ayon kay Rep. Pulong, mahalagang may waiver at legal counsel upang matiyak na walang pananagutang legal si Mayor Baste sakaling masaktan o mamatay si Torre sa naturang laban.
Sinang-ayunan din ni Pulong ang kondisyon ni Mayor Baste na dapat sumailalim muna sa hair follicle drug test si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at iba pang halal na opisyal bago niya tanggapin ang hamon ni Torre.
Paliwanag ni Rep. Duterte, kung malinis ang isang opisyal, wala itong dapat ikabahala sa drug test, at mainam din itong halimbawa para sa publiko.
Dagdag pa ni Congressman Pulong, kung nais talaga ni Torre na tumulong sa mga nasalanta ng kalamidad, mas mabuting mag-donate na lang siya at huwag gamiting dahilan ang boxing match upang makalikom ng pondo para sa mga biktima ng patuloy na pag-ulan at pagbaha.











