CAUAYAN CITY – Pinaniniwalaang ang puting Mistubishi Adventure na sinunog kaninang madaling araw sa Uddiawan, Solano, Nueva Vizcaya ang getaway vehicle na ginamit ng mga armadong lalaki na nanambang sa Starex van na sinakyan ng grupo ni Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan.
Matatandaang nasawi si Vice Mayor Alameda at limang kasama na lulan ng van nang harangin at pagbabarilin sa Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PSMS Michael Querimit, investigator ng Solano Police Station na itinawag sa kanila ni Barangay Kapitan Jessie Delos Reyes ng Uddiawan, Solano na may nasusunog sa kanilang area malapit sa Uddiawan National High School.
Ayon sa mga residente malapit sa lugar may narinig silang putok ng baril bago nakita ang nasusunog na sasakyan.
Malaki aniya ang posibilidad na sinadyang sinunog ang sasakyan dahil may nakakita na unang nasunog ang harapan ng sasakyan at biglang nagliyab sa likod kaya posibleng nilagyan ng gasolina kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Ayon kay PSMS Querimit, may posibilidad na ang getaway vehicle ng mga suspek sa pananambang sa barangay Baretbet ang sinunog na sasakyan dahil parehong Adventure.
Batay sa larawan ng getaway vehicle at nasunog na sasakyan ay pareho ang rim ngunit tinanggal ang plaka.
Sa pinangyarihan ng sunog ay walang bahay na may CCTV ngunit sa tracking nila sa getaway vehicle na ginamit sa pananambang ay patungo sa Solano ang direksiyon nito.