Ibinunyag ni House Infrastructure Committee co-Chairperson Rep. Terry Ridon na ang umano’y “ghost project” sa Baliwag, Bulacan na kamakailan lamang ay ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay isang “proposal” ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at hindi proyekto ng Kongreso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cong. Terry Ridon, sinabi niya na karamihan sa mga proyektong dinalaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagmula sa National Expenditure Program (NEP).
Dagdag pa niya, kabilang sa mga ito ang dalawang proyekto sa Calumpit, Bulacan na nagkakahalaga ng ₱180 milyon.
Noong ika-20 ng Agosto, personal na ininspeksyon ng pangulo ang ₱55-milyong flood control project sa Baliwag, ngunit ikinagalit nito nang matuklasan na wala pa palang naitayong riverwall. Ayon sa record ng DPWH, ang naturang proyekto ay nakatalaga sa SYMS Construction na nakabase sa Malolos, Bulacan.
Kinumpirma ni kongresista, na co-chair ng House Committee on Infrastructure, na tatalakayin ang isyu sa gagawing pagdinig ng pinagsamang komite sa darating na ika-2 ng Setyembre.
Nilinaw din niya na ang mga mambabatas na ganap nang nag-divest mula sa kanilang negosyo ay hindi maituturing na contractor-legislators. Gayunpaman, binigyang-diin niya na dapat itong maging “buo at tunay” na divestment, dahil maaaring magkaroon pa rin ng legal at etikal na usapin kung ang mga magkakamag-anak ay sangkot sa kontrata.
Ipinahayag din ni Ridon na lahat ng iimbitahing resource persons ay manunumpa sa ilalim ng panunumpa at kailangang magsumite ng mga dokumento o personal na kaalaman bilang ebidensya.
Ipinahiwatig din ni Ridon na maaaring imbitahan sa mga susunod na pagdinig si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kaugnay ng reklamo ng suhulan na kinasasangkutan umano ng isang DPWH district engineer.
Ayon kay Ridon, kailangang matukoy ng komite ang mga contractor na sinasabing ginamit bilang “conduits” upang mag-alok ng suhol sa kongresista.











