--Ads--

Inireklamo sa Bombo Radyo Cauayan ng mga residente sa Brgy. Sillawit ang isang pinapagawang water refilling station dahil nawawalan na ng tubig ang kanilang mga poso.

Ayon sa mga residente kung mayroon mang lumalabas na tubig sa poso ay marumi at mabaho na ang amoy.

Mag-aanim na buwan na umanong nararanasan nila ang pagkawala ng tubig at idinulog na nila ito sa may ari at nangakong sosolusyunan ito ngunit hindi naman natutupad at patuloy pa rin umano ang paghuhukay.

Ang ilang residente ay napilitang ilipat na lamang ang kanilang poso upang magkaroon ng tubig dahil sa kawalan na ng tubig sa kanilang dating poso at kung mayroon mang lumabas ay may kasama nang buhangin o mabaho na ang amoy.

--Ads--

Malaking perwisyo ito sa kanila lalo na sa kanilang mga anak na kailangang maligo bago pumasok sa paaralan.

Nangangamba rin ang mga malapit sa deep well dahil kapag umulan ay nararamdaman nila ang pagguho ng lupa sa loob.

Naidulog na rin umano nila ito sa kanilang barangay at napag-usapan na lalagyan ng bakal at yero na harang upang hindi magdulot ng soil erosion.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Roque Cerdeñola, isa sa mga residente na nakakaranas ng kawalan ng tubig sa kanilang gripo, sinabi niya na napipilitan silang bumili ng tubig sa mga water refilling station dahil wala nang lumalabas na tubig sa kanilang gripo maging sa kanilang mga kapitbahay.

Aniya kung ganito lagi ay malaking gastos at problema rin ng kanilang mga anak na pumapasok sa eskwelahan.

Inihayag naman ni Brgy. Capt. Michael Evangelista ng Sillawit na totoong nagkaroon na ng pag-uusap ang mga residente at may-ari ng refilling station na si Ginang Emily Linda Bautista at nang hindi natupad ang usapan ay nakipag-ugnayan na sila sa DENR.

Aniya pinasuspinde na ng DENR ang paghuhukay hanggang maihanda ng may ari ang mga requirements dahil sa isinagawang inspeksyon ay hindi nasunod ang mga napag-usapang paglalagay ng harang sa deep well upang hindi magkaroon ng soil errosion.

Nakipag-ugnayan naman aniya ang may-ari sa DENR para kumuha ng digging permit at upang ayusin ang hukay.

Apektado aniya ang mga gripo ng mga residente dahi nasa labing limang metro ang lalim ng hukay na pagkukunan sana ng suplay ng water refilling station.

Handa naman aniyang tumulong ang pamunuan ng barangay kung ano ang kailangang gawin sa nasabing isyu dahil ayon sa may-ari mayroon na itong permit ngunit tumanggi nang magbigay ng pahayag.

Samantala sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa City Engineering Office ay nagulat din sila dahil hindi nila alam ang nasabing konstruksyon ng water refilling station sa nasabing barangay.

Ayon sa tanggapan personal nila itong bibisitahin sa Lunes at pinaalalahanan ang may ari ng ginagawang hukay na dapat ay mayroon itong excavation permit at permiso rin mula sa water district.