
CAUAYAN CITY – Naaresto sa entrapment operation sa Purok 1, Centro East, Santiago City ang isang ginang na nagtitinda ng mga pekeng sigarilyo.
Ang pinaghihinalaan ay si Alyas Jam, 48-anyos, may asawa, cook at residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office (SCPO) Station 1, isinagawa ang operasyon sa pangunguna ni PCapt. Charlie Viernes at sa ilalim ni PMaj. Romel Cansejo, ang hepe ng Presinto Uno.
Nakipagtransaksyon ang pinaghihinalaan sa isang pulis na nagpanggap na buyer bitbit ang 6 na realm ng sigarilyo katumbas ng P2,500.
Nakuha pa sa pag-iingat ng suspek ang limang kahon na may lamang 165 na realm ng iba’t ibang hinihinalang pekeng sigarilyo.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang kumpanya ng sigarilyo dahil sa mura at patagong bentahan sa kanilang produkto.
Emosyonal namang itinanggi ng pinaghihinalaan ang pagbebenta ng mga pekeng sigarilyo at iginiit na napag-utusan lamang siya at pinakisuyuan ng kanyang kakilala.
Kasong paglabag sa Republic Act 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) ang kakaharapin ng pinaghihinalaan na nasa pangangalaga na ng Santiago City Custodial Facility.










