--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang dalagita at isang ginang matapos na sila ay malunod sa Pinacanauan River na bahagi ng barangay Minanga, San Mariano, Isabela.

Ang mga biktima ay sina Stefanny Guillermo, labintatlong taong gulang, Grade 6 student at Marry Anne Bacud, limampu’t isang taong gulang, kapwa residente ng Core Shelter sa Minanga, San Mariano, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt. Julius Telan, Deputy Chief of Police ng San Mariano Police Station, na nagkayayaan ang tatlong magkakaibigan na mamasyal kabilang ang dalagitang biktima subalit pagdating sa ilog ay bigla umano siyang tumalon.

Nang makita ito ng isa niyang kasama ay tumakbo siya sa kanilang bahay at sinabi sa kanyang ina na nalulunod ang kanyang kaibigan.

--Ads--

Sa kagustuhang mailigtas ang kaibigan ng anak ay tumalon din ang ginang sa ilog na nasa limang metro ang lalim subalit maging siya ay nalunod din.

Sa pagresponde ng Rescue team ay hindi na nailigtas pa ang dalawa.

Agad namang inilibing ang dalagitang biktima habang nakaburol pa ang ginang.

Payo ng pulisya sa mga magulang na bantayan ng mabuti ang kanilang mga anak para maiwasan ang ganitong pangyayari.