CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang ginang at kanyang live-in partner dahil sa paratang na pagbubugaw sa ilang menor de edad.
Sa naging panayam ng bombo radyo cauayan, sinabi ni P/Sr. Inspector Esem Galiza, hepe ng Women and Children’s Protection Desk ng Cauayan City Police Station na kakasuhan ang dalawa ng paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.).
Una rito ay na-rescue ng grupo ni S/Insp Galiza at DWSD ang dalawang menor de edad na kinakanlong ni Javier sa kanilang boarding house. Ang isa ay siyam na araw pa lamang sa kanya habang ang isa ay ilang buwan nang ibinubugaw at buntis ngayon.
Sinabi S/Insp Galiza na mayroon na silang naunang mpormasyon tungkol sa pambubugaw ni Javier ngunit wala pa silang matibay na ebidensiya.
Naging matatag na ebidensiya laban sa kanya kaya siya ay dinaip ang salaysay ng menor de edad na ibinugaw mula noong Oktubre ngunit dahil sa hindi nila pagkakaunawaan ni Javier ay umuwi sa kanilang bahay sa Luna at isinumbong sa mga kapamilya ang nangyari sa kanya.
Sinamahan siya sa Cauayan City Police Station para ireklamo si Javier kayat napag-alaman na may kasama siyang menor de edad na naiwan sa boarding house ng suspek.
Ang kaibigan ng mga biktima umano na kakilala ni Javier ang naging daan para makilala niya ang mga menor de edad.
Sinamantala umano ng suspek ang kahinaan ng mga kabataan na may dinadalang suliranin. Nagpakita siya ng pagmamalasakit sa kanila hanggang makuha niya ang kanilang loob.
Mayroon ding barkada ang mga biktima ang nagtanong kung gusto nila ng trabaho na madaling kumita ng pera.
Sinabi pa ni S/Insp. Galiza na pinag-aaralan din nila ang pagsasampa ng kaso laban sa mga magulang at guardian ng mga ibinugaw na menor de edad dahil kulang ang naging pagsisikap nila para hanapin ang mga dalagita na ilang buwan na nawala matapos na lumayas sa kanilang bahay. May pananagutan sila sa ilalim ng Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law dahil sa kanilang pagpapabaya.
Sa panig ni Jessica Javier, itinanggi niya ang paratang na pambubugaw sa mga biktima dahil sila pa umano ang naghahanap ng kanilang guest o costumer. Iginiit niya na nagpakita siya ng pagmamalasakit sa mga dalagita.
Sinabi ng mga biktima na kapag sila ay binayaran ng kanilang costumer ng tatlong libong piso ay isang libong piso ang napupunta kay Javier bilang bahagi nila sa pagkain at bayad sa boarding house.