CAUAYAN CITY – Nagbalik loob sa pamahalaan ang isang ginang mula sa Sangbay, Nagtipunan, Quirino matapos ang ilang taon na pagsuporta sa makakaliwang grupo.
Ang boluntaryong sumuko ay 50-anyos, may-asawa, dating miyembro ng Timpuyog iti Mannalon iti Quirino at residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, taong 2014 nang mahikayat ang ginang na sumali sa grupo matapos siyang pangakuan na aayusin ang titulo ng kanilang lupa, susuportahan ang pag-aaral ng kanyang anak at sa iba pa nilang pangagailangan.
Ibinunyag pa nito na kasali siya sa rally na isinagawa sa isang mining site sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Dumalo rin umano siya sa ilang mga pulong na isinagawa ng ilang matataas na miyembro ng Timpuyog iti Mannalon iti Quirino na isinagawa sa iba’t ibang barangay ng Nagtipunan at Maddela, Quirino.
Nagbibigay din umano ang ginang ng P20 butaw o buwanang kontribusyon kay Clarita Magday na dating kalihim ng Timpuyog iti Mannalon iti Quirino na nauna nang sumuko noong taong 2020.
Ayon sa pulisya, sumuko ang ginang upang linisin ang kanyang pangalan at upang mamuhay ng mapayapa.