--Ads--

CAUAYAN CITY – Taos-pusong nagpasalamat sa Bombo Radyo Cauayan ang isang 27 anyos na misis na maysakit sa puso na nasa mabuti nang kalagayan at maaari nang makauwi matapos ang ilang linggong pananatili sa ospital.

Si Raldy Valiente Taliedo ay anak ng magsasakang si Rodolfo Valiente ng Sta. Isabel Sur, Lunsod ng Ilagan na umiiyak kamakailan na nanawagan sa sinumang nakapulot sa nahulog niyang 21,000 na pinagbentahan ng alagang baka.

Ang nasabing halaga ay pambayad sana sa isang pribadong ospital ni Gng. Taliedo na nasa Intesive Care Unit (ICU) noon dahil sa kanyang sakit sa puso.

Ang video ng panayam ng Bombo Radyo Cauayan hinggil sa panawagan ni Ginoong Valiente ay naging viral sa Facebook.

--Ads--

Maraming nakapanood ang naawa at naantig ang puso sa kanilang kalagayan kaya sila ay nagpadala ng tulong sa kanya.

Karamihan sa mga nagpadala ng tulong ay mga pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Nasa pribadong ospital ngayon sa Cauayan City si Gng. Taliedo para ipagpatuloy ang kanyang pagpapagaling. May butas umano ang kanyang puso mula noong bata siya ngunit hindi na maaaring operahan kaya pagmamantina na lang ng gamot ang maaaring para hindi lumala ang kanyang kalagayan.

Taus-puso siyang nagpapasalamat sa malaking tulong na kanilang natatanggap para sa kanyang paggaling at sa pagmamantina ng kanyang mga gamot sa puso.