--Ads--

CAUAYAN CITY– Namatay ang isang ginang matapos mahulog sa sinakyang tricycle.

Ang namatay ay si Gng. Prescila Antonio,60 anyos habang ang tsuper ng tricycle ay si Lauro Prades, 49 anyos, kapwa residente ng Batal, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay PO2 Gavion Valeroso, tagasiyasat ng SCPO traffic Group noong linggo sumakay sa tricycle si Gng. Antonio kasama ang kanyang mister at umupo ang babae sa loob ng tricycle habang ang asawa ay umupo sa likod ng tsuper ng tricycle.

Dahil sa mayroong nag-overtake na van sa kanang bahagi ng daan ay gumawi pakaliwa ang tricycle ngunit dahil mayroon na namang nag-overtake sa kaliwang bahagi ay ibinalik nito pakanan na nagresulta ng pagkakahulog ng ginang.

--Ads--

Hindi naman napansin ng tsuper na nahulog ang pasahero sa loob ng tricycle ngunit napansin ng asawa nito kayat pinahinto ang tricycle.

Nakausap pa umano ang biktima Matapos mahulog at pinainom pa ng tubig bago dalhin sa pagamutan ngunit binawian ng buhay kinabukasan.

Sinabi ni PO2 Valeroso na nagkasundo ang magkabilang panig sa barangay at nagbigay ng paunang P/10,000.00 tulong ang tsuper ng tricycle sa pamilya ng biktima.

Natuklasang colorum ang tricycle na sinakyan ng biktima at mister nito habang walang lisensiyang magmaneho si Prades.