CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang ginang na nagbebenta ng pandesal makaraang mabagsakan ng natumbang puno ng niyog sa Barangay Villa Carmen, Ramon, Isabela kaninang alas singko ng umaga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer kay Jevy Claudette Gabriel ng Ramon, Isabela, kinilala niya ang nasawi na Ofelia Daculan, 52 anyos at residente ng Pagrang-ayan, Ramon, Isabela.
Nagkataon na dumaan sa nasabing lugar si Daculan sakay ng kanyang bisikleta na may sidecar nang matumba ang malaking puno ng niyog.
Patay na ang niyog at nabubulok na at maaaring lumambot ang lupa dahil sa pag-ulan na dulot ng bagyong Egay sa kinalalagyan nito kaya bumigay at natumba ang puno ng niyog.
Ayon kay MDRRM Officer Gabriel, nagtamo ng malalang sugat sa kanyang ulo si Ginang Daculan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Naiuwi na ang bangkay ng ginang sa kanilang bahay kung saan siya nakaburol.