Nasawi ang isang ginang matapos mabangga ng pick-up truck sa Sinamar Sur, San Mateo, Isabela dakong alas-4:30 ng umaga ngayong Sabado, Disyembre 13.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vivian Pinao-an, isa sa mga kasama ng biktima, sinabi niya na patungo sana sila sa Baguio City subalit bumaba umano ng sasakyan ang biktima kasama ang isang bata dahil sa tawag ng kalikasan at habang papatawid ng daan ay dito na nabundol ng paparating na sasakyan ang ginang na nauwi sa kaniyang pagkasawi.
Maswerte na lamang at nauna nang nakatawid ang bata kaya hindi ito nadamay.
Ayon sa driver ng nakabanggang sasakyan na si alyas “OJ,” nabulaga ito sa biglaang pagtawid ng Ginang dahilan upang mabangga niya ito.
Agad naman umano nitong inihinto ang sasakyan upang hintayin ang mga rescuer at mga Pulis na reresponde sa lugar.
Nagkaroon na ng pag-uusap ang tsuper at ang pamilya ng biktima kung saan mayroon nang naibigay na paunang tulong sa pamilya na masusundan pa sa mga susunod na pagkakataon.











