--Ads--

Bumuo na ng tracker team ang Ramon Police Station upang hanapin ang driver ng asul na pick-up na nakasagasa at nakapatay sa isang ginang sa Barangay Burgos, Ramon, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Jay-Ar Olya-on, hepe ng Ramon Police Station, sinabi niyang naganap ang aksidente pasado alas-6 ng gabi sa nasabing barangay.

Ang biktima ay isang 64-anyos na ginang na kalaunan ay idineklarang Dead on Arrival sa ospital.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Ramon PNP, tumatawid ang ginang upang bumili sa tindahan nang mabangga ng isang sasakyan. Ayon sa mga saksi, ang sangkot na sasakyan ay isang blue pick-up.

--Ads--

Agad na tumugon ang mga pulis matapos matanggap ang ulat, ngunit hindi na nila naabutan ang suspek na tumakas patungo sa bayan ng San Mateo, Isabela.

Nahagip ng CCTV ang insidente, ngunit hindi malinaw ang kuha ng sasakyan. Sa kabila ng maulang panahon na nakaapekto sa visibility ng plaka, patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang mga kuha ng CCTV upang matukoy ang direksyon na tinahak ng driver.

Isang witness ang tumawag sa kanila at inihayag na natukoy nito ang plate number ng sangkot na pick up na nakatakda nilang berepikahin sa LTO.

Tiniyak ni PMaj. Olya-on na oras na makumpirma ang pagkakakilanlan ng suspek, agad itong sasampahan ng kaukulang kaso.