--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi  ang isang ginang habang nasugatan ang kanyang  mister matapos banggain ng  elf wing van ang isang trailer truck na nasa gilid ng daan sa barangay Rizal,  Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, dakong 4:40 ng madaling araw nang  salpukin ng elf wing van ang trailer truck na nakaparada sa tapat ng isang simbahan sa naturang barangay.

Nagtamo ng malalang sugat sa katawan ang nasawi na si  Theresa Montana, 45 anyos habang nasugatan naman ang mister na si Alejandro Montana, 44 anyos, kapwa residente ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Napag-alaman na galing sa Ballesteros, Cagayan ang trailer truck at papunta sana sa Nueva Ecija upang maghatid ng mga palay nang magkaproblema umano ang gulong nito kaya’t itinabi ito ng driver sa lugar kung saan nangyari ang aksidente.

--Ads--

Ang  elf van naman ay galing Cagayan at nagdeliver ng mga online order at pauwi na sana sa lalawigan ng Bulacan nang makaidlip umano ang tsuper  habang nagmamaneho na naging dahilan kaya’t nabangga nito ang nakaparadang trailer truck.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni   Alejandro Montana na tatlong oras lamang ang kanyang naging pahinga matapos ang pagmamaneho mula Maynila hanggang Cagayan at pabalik na sila Metro Manila nang mangyari ang aksidente.

Nakaidlip  umano  siya bago mangyari ang aksidente ngunit sinabi niyang may pagkukulang din ang driver ng trailer trcuck dahil masyado umanong malapit ang early warning device sa nakaparadang sasakyan.

Dapat sana ay sa malayo  ang inilagay na warning device upang nagkaroon sana siya ng panahon upang iiwas ang Elf Van sa trailer truck.

Sinabi naman ng helper ng trailer truck na si  Carlito Baligod na maliwanag ang lugar na kanilang pinaradahan at tama lang ang distansiya ng kanilang early warning device kaya’t imposible na hindi napansin ng driver ng elf van ang kanilang sasakyan.

Pumarada lang umano  sila sa gilid ng daan dahil nagkaroon ng problema ang kanilang gulong kaya’t pumagilid sila upang isaayos ito.

Patuloy  na  nagpapagaling  sa Southern Isabela Medical Center si Montana  matapos magtamo ng sugat  ulo habang ang bangkay  ng kanyang misis na si  Theresa ay  dinala sa  isang punerarya.