--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang isang ginang habang nasugatan ang kanyang mister matapos na maaksidente ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa national highway sa Minagbag, Quezon, Isabela.

Ang nasugatan ay si Mario Magora, 60 anyos, nagmaneho sa sinakyan nilang g Honda Click 125 habang ang namatay na misis ay si Leonida Magora, 57 anyos at residente ng Dugayong, Amulung, Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt Arjay Cureg, investigator ng Quezon Police Station, sinabi niya na binabagtas ng mga biktima ang pababa at pakurbang bahagi ng daan nang mawalan ng kontrol si Magora kaya bumangga sila sa barrier ng tulay.

Tumilapon sa baba ng tulay si Mario habang naihampas ang ulo ni Leonida sa semento kaya kapwa sila nagtamo ng mga sugat sa katawan.

--Ads--

Agad na dinala sa ospital ng Rescue 819 at Quezon Police Station ngunit idineklarang dead on arrival si Leonida dahil sa malalang sugat na kaniyang natamo.

Ayon pa kay PSSgt Cureg, galing ang mag-asawa sa isang kasal sa Maddela, Quirino at pauwi na sana sila sa Amulung, Cagayan.

Ayon pa kay Cureg, accident prone area ang pinangyarihan ng aksidente dahil sa pababa at pakurbadang bahagi nito.

Nagpaalala siya sa lahat na iwasang magmaneho nang mabilis lalo na sa hindi kabisadong lansangan.