--Ads--

CAUAYAN CITY- Sugatan ang isang Ginang matapos na pagtatagain ng kasamahan nito sa peryahan sa Bana Uy Street, District 1, Cauayan City.

Ang biktima ay si Delia Quaresma, animnapu’t siyam (69) na taong gulang, balo, walang trabaho, habang ang suspek ay kinilalang si Alfredo Abejo, 40 taong gulang, may asawa, construction worker na kapwa naninirahan sa Banna Uy St. Brgy District 1, Cauayan City, Isabela.

Bago ang insidente ng pananaga, napag-alaman na inireport ng biktima sa mga naka-duty na tanod ang suspek dahil nanggugulo ito sa kanilang bahay, at agad naman umanong nagtungo sa lugar ang mga tanod at nadatnan nilang nagsasagutan ang biktima at ang suspek.

Napansin umano ng mga tanod ang baywang ng suspek na may dalang kutsilyo kaya agad nila itong kinumpiska.

--Ads--

Nang nagdesisyon umano ang suspek na umuwi nalang  kaya umalis na rin ang mga Barangay Tanod.

Ilang minuto lamang umano ang nakalipas, habang nagsasara ng tindahan ang biktima ay agad na bumunot ng itak ang suspek at pinagtataga ang biktima sa kaliwang braso at kaliwang paa .

Tumakbo naman umano at nagsisisigaw ang biktima sa bahay ng kanyang anak upang humingi ng tulong.

Nang lumabas ang kanyang mga anak at apo, doon na napansin ang biktima na duguan at nakita ang suspek na noo’y akmang tatakas.

Nahabol at naaresto ang suspek na agad ipinasakamay sa himpilan ng Pulisya habang ang biktima ay dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas ang mga natamong sugat.

Sa ngayon ay ihahanda na ang kaso laban sa suspek na nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station.