CAUAYAN CITY – Sa pamamagitan ng panawagan sa Bombo Radyo Cauayan ay nakabalik sa kanyang pamilya ang isang ginang na nawala matapos makaranas ng depresyon dahil sa pagkamatay ng nag-iisang anak at hiniwalayan pa ng kanyang mister.
Natukoy ang kinaroroonan ni Gng. Consuelo Timbal matapos dumulog sa Bombo Radyo Cauayan si Barangay Kapitan Remedios Rodriguez ng Sta. Monica, Echague para ipanawagan ang pagkawala ng kabarangay na ginang.
Matapos ang dalawang linggong pagkawala ay natagpuan si Timbal sa bayan ng San Mateo, Isabela matapos marinig ng mga residente ang panawagan sa Bombo Radyo Cauayan na siya ay nawawala.
Tumugma sa anyo ni Gng. Timbal ang naging paglalarawan sa kanya sa panawagan kaya may nag-ulat sa tanggapan ng DSWD sa bayan ng Echague na siya namang nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng Barangay Santa Monica.
Labis na nagpapasalamat sa Bombo Radyo Cauayan si Barangay kapitan Rodriguez sa pagkakatagpo kay Gng. Timbal.




