CAUAYAN CITY – Madagdagan na ang Minimum Wage ng mga manggagawang nasa private sector sa Region 2 matapos maglabas ng bagong wage order ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Board Secretary Heidelwina Tarrosa ng RTWPB Region 2, sinabi niya na simula sa March 16 ay madadagdagan na ng P10 ang Minimum Wage ng mga nasa non-agriculture sector kaya mula sa P360 ay magiging P370 na ito.
Sa agriculture sector naman ay may karagdagang P5 kaya mula sa P340 ay magiging P345 na ito.
Gayunman ay hindi aniya ito mararamdaman ng mga manggagawang nasa sektor ng agrikultura dahil karamihan sa kanila ay nababayaran ng pakyawan.
Ayon pa kay Tarrosa, sa mga nasa retail/service establishment not employing more than 10 naman ay may P25 na dagdag kaya mula sa P320 ay magiging P345 na ito subalit ito ay maidadagdag sa 2 tranche.
Sa unang tranche ay ibibigay ang unang P12.50 at ito ay isasabay din sa March 16 habang ang natitirang P12.50 na siyang pangalawang tranche ay idadagdag sa July 1 ngayong taon.
Samantala, sa mga kasambahay naman ay madadagdagn ng P500 kaya mula sa dating P3,500 ay magiging P4,000 na ito.
Subalit ayon kay Tarrosa, ito ay floor wage lamang dahil puwede ring magdemand ang kasambahay ng dagdag sa kanyang sahod.











