CAUAYAN CITY – Inihayag ng gobernador ng Isabela na dapat lamang na maisabatas na ang paggamit sa medical marijuana dahil sa maitutulong nito sa mga maysakit.
Matatandaang inaprubahan sa huli at ikatlong pagbasa ng Kamara nitong ikatatlumpo ng Agosto ang House Bill No.10439 o ang “Access to Medical Cannabis Act” kung saan umabot sa 177 ang Yes votes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Rodito Albano ng Lalawigan ng Isabela sinabi niya na nararapat lamang na maipasa na ang nasabing batas dahil maraming mga pasyente ang kailangan nito.
Aniya ang pag-access naman sa medical cannabis ay para sa mga kwalipikadong pasyente lamang pangunahin na sa mga sanggol at hindi hinihithit na parang sigarilyo.
Muling nilinaw ni Gov. Albano na hindi naman ito katulad ng mga iligal na marijuanang nahuhuli sa mga operasyon ng pulisya dahil ang pagtatanim nito ay nasa kontrol ng pamahalaan, mga doktor at eksperto.
Ilan sa mga sakit na kayang gamutin ng finish product ng medical cannabis ay ang cancer, glaucoma, multiple sclerosis, epilepsy at iba pang maituturing na debilitating medical conditions.
Ipinagbabawal pa rin sa nasabing panukala ang importasyon, pagtatanim, manufacturing at distribusyon ng medical cannabis maging ang finished product nito.
Kapag ito ay naisabatas na, itatatag naman ang Medical Cannabis Office o MCO bilang regulatory body para sa paggamit ng medical cannabis.