
CAUAYAN CITY – Kinumpirma mismo ni Governor Rodito Albano na naaresto na ng City of Ilagan Police Station ang suspek sa pagbaril at pagpatay noong Mayo 25, 2022 kay Internal Audit Manager Agnes Palce ng isabela Electric Cooperative o ISELCO II.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na natukoy ang suspek at ginamit na motorsiklo sa pamamagitan ng kuha ng CCTV Camera.
Tumanggi si Governor Albano na banggitin ang pangalan ng suspek dahil ayaw niyang pangunahan ang Philippine National Police (PNP).
Patuloy aniya ang imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station para malaman ang motibo at utak sa pagpatay kay Ginang Palce.
Sinabi pa ng punong lalawigan na hindi pa niya nakausap si Judge Ariel Palce, asawa ni Ginang Palce dahil shock pa sa nangyari sa kanyang misis.
Bahagi aniya ng trabaho ng PNP na agad na malutas ang isang krimen ngunit nagpapasalamat siya sa kanila na mabilis na nahuli ang suspek.
Dapat din aniyang madakip ang mga may kagagawan sa tatlo pang kaso ng pamamaril sa Lunsod ng Cauayan at San Mariano, Isabela para hindi sabihin na dahil asawa ng hukom ay mabilis na nadakip ang pumatay kay Ginang Palce.
Mayroon din aniyang kaso ng pagpatay sa Delfin Albano, Isabela na hindi pa nalulutas.
Ayon kay Gov. Albano, may batas tungkol sa paglalagay ng CCTV camera sa mga establisimiento at sa national highway.
Kung may pondo ang pamahalaang panlalawigan ay maglalagay sila ng CCTV sa mga pangunahing pambansang lansangan dahil malaking tulong ito sa pagtukoy sa mga sangkot sa krimen.




