--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagbabala si Governor Carlos Padilla kaugnay sa umano’y pang-iiSCAM ng ilang indibidwal sa ilang Hotel at Restaurant sa Probinsiya gamit ang kanyang pangalan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Padilla, batay sa ilang sumbong na natatanggap ng kanyang tanggapan, ilang business establishments ang tinatawagan ng nagpapakilalang siya at minsan naman ay staff ng Governor’s Office.

Nag-oorder aniya ito ng pagkain, alak at minsan ay load.

Aniya, noong 2019 ay nakaranas din siya ng ganitong insidente na nangyari naman sa Lungsod ng Baguio.

--Ads--

Nagpapasalamat naman siya dahil wala pang nabibiktima ang mga ito dahil kinukumpirma rin ng mga negosyante ang tawag sa kanilang tanggapan.

Dagdag pa niya na tanging sa mga PhilGeps registered o accredited establishments lamang maaaring bumili ng goods at pagkain ang tanggapan pamahalaang panlalawigan kaya hinimok niya ang mga nagmamay-ari na i-verify muna sa kanyang tanggapan ang transaksyon at huwag basta-bastang maniniwala lalo na kung pangmaramihan ang ino-order at may kasama pang alak.

Balak naman nilang maghain ng pormal na reklamo subalit pinag-iisipan pa lamang ito ng tanggapan dahil sa ngayon ay mas magandang malaman muna ito ng publiko para maiwasang makahanap ang naturang grupo ng mabibiktima.

Ang bahagi ng pahayag ni Gov. Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya.