CAUAYAN CITY – Hinimok ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang mga biktima ng Paluwagan Scam na lumabas upang magreklamo para makasuhan ang mga nagkasala.
Una nang kinumpirma ng Security and Exchange Commission na base sa kanilang talaan, lumalabas na may walumpong grupo o indidibidwal sa buong bansa ang nag-aalok ng investment scam kung saan kabilang na dito ang paluwagan na “Benta Sahod Slot” ng Cezsian Perez/Queences Lungalog Perez sa Tuguegarao City.
Ayon sa ulat ng Cagayan Provincial Information Office, ang nabanggit na pangalan ang nasa likod umano ng malawakang pang-iiscam sa lungsod kung saan nag-aalok ang mga ito ng investment at pangakong babalik ang pera ng doble o triple ang halaga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Manuel Mamba ng Cagayan, sinabi niya na hindi dahil nag-invest sa paluwagan scam ay maituturing nang biktima dahil may mga kumita rin dito.
Aniya paluwagan ito at paramihan ng investor kaya ang mas kikita ay mga naunang nag-invest habang walang kinita ang mga nahuling nag-invest.
Daan-daang reklamo na ang natanggap ng Cagayan PNP kaugnay sa paluwagan scam na ito kung kaya’t maituturing na umano ito bilang ponzi scheme at large scale scam.
Dahil dito muling hinikayat ni Governor Mamba ang iba pang biktima na lumitaw upang magbigay ng statement para na rin sa gagawing legal na hakbang ng LGU.