CAUAYAN CITY – Humiling na ng tulong si Gov. Rodito Albano sa American Embassy at DOST sa karagdagang pwersa sa paghahanap sa nawawalang Cessna 206 Plane.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Rodito Albano, sinabi niya na pahirapan pa rin ang paghahanap sa Cessna Plane kahit nasa mahigit tatlong daan nang rescuers ang nagtutulong-tulong na sumusuyod sa mga kabundukan ng Sierra Madre.
Dahil dito ay humiling na sila ng tulong sa American Embassy at sa DOST dahil may mga bago umano silang equipment para madaling mahanap ang nawawalang eroplano.
Aniya may mga eroplano rin silang kayang lumipad ng aabot sa pitong oras na malaking tulong sa paghahanap sa nawawalang eroplano.
Aniya kahit maraming team na ang nagtutulong-tulong sa paghahanap ay wala pa ring positibong resulta dahil sa napakalawak at masukal na kabundukan ng Sierra Madre na kung titingnan sa taas ang mga bundok ay mistulang broccoli dahil sa masukal na kagubatan.
Bagamat pahirapan ang paghahanap ay tiniyak ni Gov. Albano na patuloy ang puspusang paghahanap ng rescue teams sa eroplano at sa mga pasahero nito.