
CAUAYAN CITY – Nagtataka si Governor Rodito Albano kung bakit inilagay pa rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang Isabela sa alert level 2 gayong pababa na ang mga kaso ng COVID-19.
Dahil dito ay nais ng punong lalawigan na umapela sa IATF na ibaba na sa alert level 2 ang Isabela para mas maluwag ang mga panuntunan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Albano na sa report sa kanya nina Dr. Nelson Paguirigan, Provincial Health Officer at Vaccine Czar Arlene Valdez ay pababa na ang mga kaso ng COVID-19 at mild lang ang naramdaman ng mga tinamaan ng sakit.
Ayon kay Gov. Albano, bago sumapit ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ay aapela siya sa IATF na isailalim na ang Isabela sa alert level 2.
Nilinaw ng punong lalawigan na kahit luluwagan na ang mga restrictions ay mananatili ang mahigpit na pagpapatupad sa mga health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at pagsunod sa social distancing.
Binanggit din ni Gov.Albano na magpupulong sila sa Lunsod ng Cauayan kasama ang mga mayor sa Isabela.
Kabilang sa mga tatalakayin nila ang pag-apela sa IATF na ibaba na ang alert level sa Isabela at mga concern at issue may kaugnayan sa halalan sa Mayo.










