--Ads--

CAUAYAN CITY – Tahasang tinawag ni Cagayan Governor Manuel Mamba na sinungaling si Defense Acting Secretary Carlito Galvez dahil sa kanyang pahayag na minamaliit niya ang kakayahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa pagpapatupad ng foreign policy.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, iginiit ni Gov. Mamba na kailanman ay hindi niya minaliit ang presidente at kailanman ay hindi niya sinabi na nagsisinungaling ang security cluster.

Nag-usap sila noon ni Galvez at sinabing nito na nakapagdesisyon na sila at iaanunsiyo na lang ni Pangulong Marcos.

Sinabi niya kay Galvez na wala siyang magagawa ngunit hindi siya mapipigilan na magsalita dahil tutol siya sa paglalagay ng EDCA sites sa Cagayan.

--Ads--

Naniniwala siya sa foreign policy ng Pangulo ngunit mali ang ipinaparating sa kanya na impormasyon. Hindi aniya sinabi sa kanya ni Galvez ang kanyang pagtutol sa EDCA site bago nagpasya ang pangulo na ilagay ang dalawa sa Cagayan.

Ayon kay Gov. Mamba, humanga siya kay Pangulong Marcos nang magtungo sa China nagkaroon sila ng kasunduan ni Chinese President Xi Jingping na magkaroon ng patuloy na dayalogo sa maritime dispute.

Gayunman, nagtataka siya kung bakit umatras sa kasunduan at nagpasya na magkaroon ng mga dagdag na EDCA sites sa Cagayan na itinuturing niyang provocation.

Binigyang-diin ni Gov. Mamba na ayaw niyang maiipit sa giyera ang Cagayan kapag nagalit ang China.

Ang pahayag ni Gov. Mamba.