--Ads--

CAUAYAN CITY – Irarampa ng isa sa mga kandidata sa nalalapit na 69th Miss Universe ang gown na likha ng isang fashion designer student sa nasabing bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kennedy John Gasper, Fashion Designer Student ng Central Luzon State University at residente ng bayan ng San Mateo sinabi niya na nagtrending ang kanyang drawing na gown sa mga social media sites dahil sa pagshare ng mga sikat na pages kaya nadiskubre ito ng isang Miss Universe Candidate at kinontak siya para magpagawa ng Costume.

Bata pa lamang ay naengganyo na umano si Kennedy sa pagdesign ng mga damit dahil mananahi ang kanyang nanay.

Dahil dito ay naging pangarap na niyang makabuo ng isang gown na makikila hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa rin.

--Ads--

Ayon kay Kennedy nagandahan ang kandidata sa nakita niyang gawa ng isang dalawampung taong gulang lamang na fashion designer student kaya kinontak siya nito.

Aniya hindi agad siya nakapagdesisyon sa nasabing alok sa kanya dahil baka scammer lang ito lalo na at kulang din siya sa perang gagamitin sa paggawa ng costume gown.

Sa tulong ng Tourism Office ng LGU San Mateo ay pinondohan ang kanyang paggawa ng costume para sa nasabing kandidata ng Miss Universe.

Hindi pa naman masabi ni Kennedy kung sino ang nasabing kandidata ngunit sinabi niya na ito ay nagmula sa kontinente ng Africa.

Naipadala na ang gawang costume gown nina Kennedy at ng kanyang limang co-designers kabilang na si Mark Anthony Pimentel maging ang dalawa nilang model at isang welder sa kandidata ng Miss Universe.

Aniya medyo mataas ang presyo ng pagpapadala sa Estados Unidos kaya sila ay nagso-solicit ng pera para rito dahil hiniram lamang niya ang pinambayad sa pagpapadala sa nasabing costume gown.

Nilinaw naman ni Kennedy na hindi naisama ang mga naishare na gawa niyang costume designs sa ginawa nilang costume gown para sa Miss Universe dahil gumawa sila ng bagong design para iayon sa katangian at tradisyon ng kandidata.

Maliban dito ay ginawan din ni Kennedy ng casual wear ang kandidata ng Catanduanes para sa nakaraang Miss Universe Philippines maging ang national costume ng kandidata ng Nueva Ecija sa Binibining Pilipinas.

Ang bahagi ng pahayag ni Kennedy John Gasper, Fashion Designer Student ng Central Luzon State University at residente ng bayan ng San Mateo.