Nasungkit ng isang Grade 10 student mula sa Cauayan National High School ang bronze medal sa larangan ng freestyle Taekwondo sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2025 sa Ilocos Norte.
Siya ay si Daiarie Valeriano, 15-anyos at residente ng District 1, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Daiarie, sinabi niya na ito ang pangalawang pagkakataon na siya ay nakapaglaro sa Palarong Pambansa subalit ito ang unang beses na siya ay nakasungkit ng medalya.
Hindi naman niya lubos akalain na makakapag-uwi siya ng medalya dahil aminado siyang magagaling ang kanyang mga kalaban.
Hindi aniya naging consistent ang kaniyang pag-eensayo hindi gaya ng ibang atleta na tuloy-tuloy ang kanilang paghahanda.
Nanibago rin aniya siya dahil ito ang unang pagkakataon na individual event ang kanyang sinalihan ngunit kampante pa rin siya na magiging maayos ang kaniyang performance dahil grade 3 pa lamang siya ay sumasabak na siya sa taekwondo competition.
Nagpapasalamat naman siya sa lahat ng naging bahagi ng kaniyang tagumpay at walang sawang sumuporta sa kanya upang matupad ang kaniyang hangarin na maging medalist sa Palarong Pambansa.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Marie Joy Alingog, trainer ni Valeriano, sinabi niya na full support sila sa lahat ng kanilang mga atleta.
Sa pamamagitan ng pag-gym ay na e-ensayo naman nila ang lahat ng mga atleta kung saan ay talagang nakita na nila ang potensyal ni Daiarie.
Nagpapasalamat din siya sa lahat ng nasa likod ng tagumpay na ito dahil hindi magiging posible ang pagkamit sa medalya kung hindi ipinakita ng taumbayan ang moral at financial support sa mga atleta.











