--Ads--

CAUAYAN CITY – Namatay ang isang graduating student makaraang mabangga ng forward truck sa barangay Santo Domingo, Alicia, Isabela.

Ang biktima ay si Jaren Mendita, 20 anyos,binata, graduating sa kursong bachelor of science in civil engineering at residente ng nasabing barangay.

Ang tsuper ng forward truck na nakabangga sa biktima ay si Edgardo Gardiola, 66 anyos,may-asawa at residente ng Victoria, Alicia, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan,inihayag ni PO2 Jayson Pascua, tagasiyasat ng Alicia Police Station na ang biktima ay lulan ng kanyang motorsiklo nang mabangga ng forward truck na minamaneho ni Gardiola,

--Ads--

Tumilapon ang biktima sa palayan matapos mabangga na nagsanhi ng mga sugat sa kanyang katawan.

Kaagad dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.

Depensa ng tsuper ng truck hindi niya namalayan ang biglang pagliko ng minamanehong motorsiklo ng biktima sanhi para kanyang mabangga.

Kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang isinampa laban sa tsuper ng truck matapos hindi pumayag ang pamilya ng biktima na makipag-areglo sa kanya.