CAUAYAN CITY – Pinaniniwalang problema sa pag-ibig ang dahilan ng pagpapakamatay kagabi ng isang binata na graduating student sa isang unibersidad sa Cauayan City.
Ang nagpatiwakal ay si Jerwin Pacaba Foronda, 22 anyos, residente ng Dabburab, Cauayan City na magtatapos sana sa kursong Bachelor of Science in Agriculture sa Isabela State University Cauayan Campus.
Sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, hindi sumasagot ang binata sa pagkatok ng ama kaninang umaga sa kanyang silid kaya puwersahan itong binuksan.
Nagulat si Ginoong Paeng Foronda nang makita ang anak na nakadapa sa isang sulok at may nylon rope na nakapulupot sa kanyang leeg.
Ayon kay Jericho Foronda, huling nakita niya kagabi na umiiyak ang kapatid habang may kausap sa kanyang cellphone.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Paeng, naniniwala siyang suliranin sa pag-ibig ang dahilan ng pagpapakamatay ng anak.
Aniya, madalas banggitin ni Jerwin ang kanyang problema sa tatlong taon nang nobya kaya pinapayuhan niya na huwag dibdibin ang kanilang suliranin.
Si Jerwin ay pangatlo sa anim na magkakapatid at ang ina nito ay nagtatarabaho sa kalakhang Maynila.