Inaasahang makikinabang ang libu-libong magsasaka sa plano na itatayong grain complex sa lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang panlungsod Rufino Arcega, sinabi niya na nakapasa na sa Sangguniang Panlungsod ang proyekto at malapit nang ilagay sa bidding, tanda na unti-unti nang umuusad ang implementasyon ng nasabing pasilidad.
Dagdag pa niya, ang proyektong ito ay nakatuon sa Cauayan City, na siyang magiging sentro ng operasyon.
Bagamat Ilan pang mga phases ang kailangang pagdaanan bago ito ganap na matapos, ngunit tiwala siyang malaki ang maiaambag nito sa lokal na agrikultura.
Ang grain complex ay inaasahang magiging sentro ng post-harvest processing, gaya ng pagpapatuyo, imbakan, at packaging ng mga ani ng mga magsasaka, lalo na ng palay.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ito ng mas malawak na layunin na paigtingin ang suporta sa sektor ng agrikultura, na pangunahing kabuhayan sa rehiyon.
Bagamat matagal nang nasa plano, ngayon pa lamang ito maipatutupad sa ilalim ng kasalukuyang programa ng pamahalaang lungsod.
--Ads--











