CAUAYAN CITY – Madagdagdagan na ang grant na matatanggap ng mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps kapag naiimplementa na ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng Republic Act 11310 o “An Act Institutionalizing the Pantawid Pamilyang Pilipino Program”.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Jeanet Antolin-Lozano ng 4Ps Program ng DSWD Region 2, sinabi niya na mula sa P500 na natatanggap ng mga benepisaryo ng 4Ps sa health grant ay magiging P750 na ito.
Habang sa educational grant naman na dati ang mga nasa elementarya ay nakakatanggap ng P300 bawat buwan at ang mga nasa sekondarya ay P500 ngayon sa bagong batas ay makakatanggap ng P300 ang mga nasa Daycare at elementarya habang ang mga nasa junior high school ay P500 at ang mga nasa senior high school naman ay P700.
Nilinaw naman ni Lozano na hindi ibig sabihin na kapag napasama ang isang household sa isinasagawa nilang assessment para sa mga magiging miyembro ng programa ay mapapabilang na sa programa dahil mas prayoridad pa rin nila ang mga household na mahihirap na may anak na nag-aaral.